Tuesday, 7 June 2011

Matalo na Tayo sa Lahat, Wag lang sa BASKETBALL!!!


Sa pagkarami rami ng laro sa buong mundo, iisang laro lang ang tunay na kinababaliwan nating mga Pilipino. Ito ay walang iba kundi ang Basketball. Mula pa kina Mr. Caros Loyzaga na nagpasikat sa bandila ng Pilipinas sa FIBA nung Dekada 50 kung saan napasama siya a Mythical 5, sa labanang pinainit nina Robert Sonny Jaworski sa Glory days ng Crispa VS Toyota, sa panahon ni El Capitan Alvin Patrimonio at nang Purefoods hanggang sa Ginebra na kinagigiliwan ng marami ngayon, maasabi nating DIE HARD tayong mga Pilipino sa Basketball. Nakakatawa ngang isipin na kahit na si Pambansang Kamao, Manny Pacquiao ay mahilig ring maglaro ng Basketball.


Bata pa lamang tayo ay natatanim na sa isip natin ang pagmamahal sa larong Basketball. Sa totoo nga eh kramihan ng mga nakikita kong binibiling mga panregalo sa Pasko o kaarawan ng mga bata a yung plastic na Basketball set. Kahit saang kanto tayo lumiko eh tiyak na makakakita tayo ng court, kahit half court lang ay oks na sa atin basta meron. Tuwing bakasyon naman ay di na natin mabilang ang mga paliga sa mga barangay, lahat gustong ipakita ang galing nila laban sa kabilang baranggay. Pero ano nga ba ang dahilan at minahal nating mga Pilipino ang larong ito? Di naman tayo matangkad na lahi katulad ng mga Kano at Europeo na isang talon lang ay dunk na agad ang bola. Di rin tayo Tsino, na sobrang mitikuloso sa kanilang mga plays mula sa napaka ayos na pag dribble hanggang sa sobrang paniguradong lay up.

Ang dahilan mga kababayan, sa aking sariling opinyon at kung inyong mamarapatin ay dahil sa ang Basketball ay nagbibigay sa atin ng pag asa. Tulad ng mga kabataang walang sawang nage ensayo sa ilalim ng araw na naniniwalang balang araw, magiging manlalaro rin sila ng sikat na liga. Pag asa tulad ng isang tulad ko na bagamat kulang sa taas e maipakita kahit sa simpleng paliga lamang na may angkin akong galing. Pag asa para sa mga taong nagta trabaho ng walong oras sa araw araw na maiba naman ang kanilang mundo kahit sandali. Pag asa na maging bilib tayo na kahit pala imposible ay kaya nating manalo kahit na lamang na ng malaki ang kalaban. Pag asa na masaaran natin ng ngiti ang mga kaanak nating pumunta sa ating laro sa bawat pagbuslo ng bola. Pag asa na maipakita sa mga kaibigan, kapamilya, kamag anak, kay Manager, kay Chairman, kay Councilor, Kay Congressman, o kahit kay Mayor na kaya nating ipanalo ang ating koponan.Higit sa lahat, pag asang makakabawi tayo sa susunod na pagkakataon kayat tanggapin na muna natin ang pagkatalo at igalang ang ating kalaban na nagwagi.

Kung kaya mga kababayan ko, dapat nating ipagmalaki at kahit kailanman ay wag nating ikahiya ang hilig natin sa larong ito. Hanggat may buhay, may pag asa at hanggat may pag asa tayong mga Pilipino, laging nandidiyan ang Basketball. Salamat kababayan sa pagbabasa ng aking munting saloobin.

No comments:

Post a Comment